August 4, 2006, isang maleta at isang handcarry bag lang ang dala dala ko pagpunta dito. Sinisiksik ko lahat ng pwede maisiksik na nagmukhang puputok na ang aking cute na luggage dahil sa sobrang dami ng gamit na inilagay ko. Malungkot ako dahil di ko pwede dalhin ang collection ko ng fake na CDs at mga Xerox Copy ng mga paborito kong libro dahil magiging hanggang gate lang ako ng JFK makakatambay at diretso na ako sa deportation office. Nang nakahanap na ako kasama ang iba pang Filipino teachers na nagsisimula rin tulad ko ng apartment, naisip ko saan ako kukuha ng kama, meron carpet kaya lang mas makapal pa ang balat ko. Naisip ko “Ganito pala dito, ang hirap! Samantalang nung nasa Pinas pa ako, Purple ang kulay ng room ko at Zen style pa ang interior design nito. Ngayon ang nakikita ko lang ay pinto, isang maliit na window, isang maliit na closet at miniscule space para sa kama na kapag umikot ka, within half second, makikita mo na naman ang pinto. Halos mapaiyak ako, dahil airbed ang bagsak ko na kapag gumising ako sa umaga, wala na siya air. That time, need ko talaga ang isang chiropractor.
Nang biglang wacha! Nadiskubre namin ang Friday Night Deal dito sa New York. Halos lahat ng lugar dito sa Bronx, Saturday morning ang garbage collection so Friday night pa lang tinatapon na ng mga US Citizens ang mga ayaw na nilang furniture tulad ng dining set, sofas, mattresses at kung gusto mo pa computer. Yes, mag kapatid, mas gusto na nilang itapon kesa iparepair dahil inconvenient daw. Jackpot ka kung lilipat ng bahay yung kapitbahay mo, lahat ng laman ng bahay ay itatapon. Sobrang mahal kase ang rent sa Van/ Truck for delivery sa bagong bahay. Every Friday night at around 8 pm sa loob ng 3 buwan, “shopping” time namin. Magdala ng cart para mabuhat ang table, bed, closet, china cabinet at computer tables. Yung iba pang tao, pilipilitin ka pa na kunin yung gamit na nasa harapan ng bahay nila. Thank you very Much Neighbor!
Nang lumipat na ako ng apartment pagkaraan ng isang taon, itinapon ko na rin ang mga gamit na pinulot ko upang “mapulot” at magamit din ng isang taong nagsisimula sa New York.Pero hindi ko tinapon ang side table. Tuwing inaalala ko ang paghihirap ko bago ako naging stable dito, hinihimas ko siya. Palatandaan ng aking journey mula sa dalawang bagahe hanggang sa futon sofa na nabili ko sa Target. Pinangako ko sa sarili ko na never ko siyang itatapon dahil siya ang una kong furniture na pinulot sa Friday Night Deal Madness. Kasama ko siya sa hirap at ginhawa. At lagi siyang nagpapaalala sa akin na maging humble kahit na medyo umasenso na.
Sana ang mga nakabasa nito, tandaan niyo lamang kung saan tayo nagsimula. Huwag maging mayabang dahil lamang nakakakita tayo ng snow, may credit card sa Macy’s at nakita na si Liberty at may picture na with its matching background. Hindi ito maganda, huwag nating kalimutan ang hirap natin sa simula upang mas lalo nating bigyang halaga kung ano mang meron natin ngayon.
